#DAInfoCaravan24 | Kamakailan lang isinagawa ng Department of Agriculture (DA) ang “Masaganang Agrikultura, Tungo sa Bagong Pilipinas” Information Caravan 2024, kung saan nagtipon ang mga lokal na magsasaka, mga opisyal ng gobyerno, at mga eksperto sa Koronadal City, South Cotabato noong November 21, 2024.
Ayon kay DA-Regional Field Office XII Regional Executive Director Roberto T. Perales, ang pagtitipong ito ay nagbigay ng pagkakataon sa mga kalahok na makipag-ugnayan sa mga eksperto at makakuha ng mahahalagang impormasyon ukol sa financial support, mga panibagong teknolohiya sa agrikultura, at mga programang makakatulong sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.
Iginiit naman ni South Cotabato Provincial Information Office Department Head Rudy Jimenea, na kumakatawan kay Provincial Governor Reynaldo Tamayo Jr., ang pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang DA, upang palakasin ang sektor ng agrikultura sa rehiyon.
Dagdag pa ni F2C2 Program Director Engr. Ricardo Oñate Jr., ang kaniyang buong suporta sa kaganapan at binigyang-diin ang kahalagahan ng mga pambansang programa sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura.
Matutunghayan din sa nasabing pagtitipon ang mga information kiosks tulad ng DA at ang mga programa nito tulad ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2), Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), Agricultural Credit Policy Council (ACPC), at marami pang iba na kung saan maaaring magtanong ang mga kalahok ukol sa mga impormasyon at benepisyo na kanilang matatanggap kapag sila ay nakarehistro.
Nagbigay din ang mga nasabing kiosks ng mga agricultural kits at reading materials na maaaring makakatulong sa mga magsasaka sa kanilang mga gawain.
Kabilang sa mga presentasyon ang mga tinalakay ni DA-RFO XII Regional Technical Director for Operations Zaldy M. Boloron ukol sa Price Protection Program for Rice and Corn, RSBSA Report Officer Glaize Dianne Mejia tungkol sa RSBSA, at ni Bureau of Animal Industry Science Research Specialist Dr. Wilgen Palma na nagbigay ng update tungkol sa African Swine Fever.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni DA Agriculture and Fisheries Division Assistant Chief Adora Rodriguez ang mga kalahok na ibahagi ang kanilang natutunan sa iba pang mga magsasaka, kaibigan, at kamag-anak upang mas marami pang tao ang makikinabang mula sa mga impormasyong ibinahagi sa mga presentasyon.
Sa huli, hindi lamang nagsisilbing gabay ang ganitong mga inisyatibo, kundi isa rin itong paalala na ang bawat hakbang tungo sa masaganang agrikultura ay isang hakbang din tungo sa mas maliwanag na bukas para sa ating mga magsasaka at sa buong bansa.
Ian Carbonell
Dyey Daquiado | Fred Dimaisip
#BagongPilipinas#MasaganangAgrikultura#MaunladNaEkonomiya#AgriTayoSoccsksargen