TALUMPATI NI PANGULONG FERDINAND R. MARCOS JR. SA PAMAMAHAGI NG IBA’T IBANG TULONG MULA SA GOBYERNO SA KORONADAL CITY, SOUTH COTABATO AT PAGLULUNSAD NG SOUTH COTABATO PROVINCE-WIDE HEALTH SYSTEM

[Ipinahayag sa Gymnasium and Cultural Center, Koronadal, South Cotabato | Ika-14 ng Hunyo 2023]
Maraming salamat sa ating butihing ama ng lalawigan ng South Cotabato, si Governor Jun Tamayo, na sa lahat – mukha namang lahat ng aming isinisigaw noong kampanya ay pinag-uusapan namin trabaho, pinag-uusapan natin ‘yung health care ay nakikita natin dahan-dahan dito sa SouthCot at sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, dahan-dahan na natutupad ang ating mga hangarin para sa ating bansa. [palakpakan]
At mapag-usapan nga po natin ay ako’y magpapasalamat muna… Siguro ang unang dapat kong gawin ay magpasalamat sa inyong lahat ay ipaabot sa lahat ng tiga-South Cotabato ang aking pasasalamat sa inyong napakalakas na suporta na binigay ninyo sa akin [palakpakan] sa nakaraang halalan.
At kaya naman sa ganoong paraan ay tayo’y nagkaisa, tayo’y nagsama-sama kagaya ng nabanggit ko, ito ‘yung mga isinisigaw natin noong kampanya ay ginagawa na natin, nabubuo natin. At nakikita naman ninyo sa pagkakaisa at lahat ng sektor, hindi lamang sa pamahalaan kung hindi pati na sa private sector, pati na sa local government ay nagtutulungan para tulungan at pagandahin ang buhay ng ating mga kababayan.
Kaya naman po ay kasama ko ang ating mga ibang mga department secretary na nandito ngayon. Nandito po ang DSWD, Department Secretary Rex Gatchalian [palakpakan]; ito po bagong upo sa Department of Health, ang ating bagong secretary, Secretary Ted Herbosa [palakpakan]; nandito po, sila po ang nagtayo ng job fair, ang DOLE, ang ating secretary [palakpakan], Secretary Benny Laguesma; nandito po, doon naman po sa labas, ‘yung tumutulong para sa mga maliliit na negosyante, maliliit na negosyo, nagbibigay ng kaunting makinarya, nagbibigay ka ng kaunting seed money, galing po ‘yan sa Department of Trade and Industry, ang ating secretary, Secretary Fred Pascual [palakpakan]; sa naghahanap po ng trabaho ay kailangan na kailangan lahat ng mga korporasyon sa iba’t ibang lugar, hindi lamang dito sa Pilipinas, kung hindi sa abroad ay sinasabing kailangan may bagong training dahil nagbago na ang ekonomiya, nagbabago ang teknolohiya. Kaya’t ang inilagay po natin na director general ang dating governor, si Datu Teng Mangudadatu [palakpakan] na ngayon ay siyang namumuno ng TESDA. Nasa kanya po – nasa kamay niya po ang pagturo sa ating mga naghahanap ng trabaho. Kaya naman bagay na bagay ay nandiyan tayo sa job fair. Makikita natin kung ano ‘yung pangangailangan para sa retraining.
Ito pong ating ginagawa ngayon ay binibigyang-daan po ‘yung sa hindi pa – dahan-dahan na tayong lumalayo, lumalabas sa ekonomiya ng pandemya. Ngunit ay mayroon pa rin sa atin, dito sa Pilipinas na medyo naiwanan. Kaya’t kailangan natin ituloy ang tulong na ibinibigay sa inyo.
Kaya po kami nandito upang tiyakin na lahat ng inyong pangangailangan ay mabibigyan ng pansin at magagawan natin ng paraan [palakpakan] para naman ay hindi mag… Napakahirap na ng buhay sana naman makapagbigay man lang kami ng kahit kaunting ginhawa sa inyong mga ginagawa.
Kaya’t ‘yung Universal Health Care isa ‘yun sa pinakamalaking – isang batas ‘yan na napasa noong nakaraang Kongreso at simple lang naman ‘yung Universal Health Care sinasabi lahat basta’t mamamayang Pilipino ay kailangan suportado ang kanilang pagbili ng gamot, ang kanilang pagtingin sa doktor, ang mga ospital – ang pag-ospital nila, ang treatment nila, kailangan natin bigyan ng tulong.
Kaya’t lang naman po. Kami naman po ay babati lamang at tinitingnan po natin na maayos po, na wala namang naiiwanan – walang mga naiiwanan na hindi natin alam at lahat ng ating kailangang tulungan ay kahit papaano ay mabigyan ng pansin at mabigyan ng tulong.
Kaya’t maraming, maraming salamat po sa inyong lahat. [palakpakan] Magandang hapon po. At asahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay nandito, ang inyong gobyerno, nandito po lahat ng ating mga kalihim, nandito po silang lahat upang tumulong, upang alamin kung ano ang problema ng bawat isa sa inyo para naman may magawa kami sa administrasyon, sa national government, sa local government, at pinagsama-sama natin. Iyan ang nagsanib-puwersa – ‘yung speech ko noong kampanya – nagsasanib-puwersa lahat ng mga may kayang tumulong sa pamahalaan, kahit sa mga pribadong sektor. Iyan po ang ating naging panaginip, naging pangarap. Ito po ay nasa kamay na natin na gawing totoo ang ating dating pinapangarap.
Maraming, maraming salamat po. Magandang hapon po sa inyo. [palakpakan]
— END —