Nasungkit na pangarap ng batang manunumpit

Ni Rodolfo T. Valdez, Jr.

“Dati ay tagahawak lang ng buntot, ngayon tuktok ng pangarap kaya nang maabot!”

Ganito ilarawan ni Rey John Estañol, 20, ang biglang pagbabago sa kanyang buhay mula sa pagiging “ordinaryong” probinsyano at ngayo’y isa nang tanyag na batang manunumpit o artificial insemination (AI) technician ng Surallah, South Cotabato.

Namulat sa kahirapan si Rey John. Ang kanyang mga magulang ay parehong nakikisaka at trabahador sa bukid, na ang sahod ay kakarampot lang. Nguni’t noong 2016, nasumpungan ng pamilya Estañol ang programang pagkakalabawan ng DA-Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM) nang sila’y mabiyayaan ng isang Italian Mediterranean buffalo. Simula noon, naging katuwang na si Rey John ng kanyang mga magulang sa pagaalaga ng kalabaw bagama’t noon ay hindi pa niya lubos na nauunawaan ang malaking biyayang dulot nito sa kanilang buhay.

Hindi na bago kay Rey John ang pagpapabalik-balik ng mga taga-DA-PCC sa USM at Municipal Agriculture Office ng Surallah para magbigay ng iba’t ibang serbisyong teknikal na para sa mga hayop sa kanilang lugar. Noong 2020, panahon ng pandemya, inalok sa kanya nina municipal agriculturist Loel Nillos at ni DA-PCC sa USM Carabaobased Enterprise Development (CBED) coordinator Nasrola Ibrahim ang pagsasanay para maging isang AI technician.

Bilang isang batang masunurin at may pusong gustong tumulong sa pamilya, tinanggap ni Rey John ang alok ng DA-PCC.

Hindi naging madali sa isang 17-year old na si Rey John ang mabago ang pang-araw araw niyang gawi ng pamumuhay. Ang pagsasanay sa basic AI ay nagbigay ng maraming “firsts” para kay Rey John. Iyon ang unang pagkakataon na mawalay siya sa kanyang pamilya, unang byaheng palabas ng kanilang probinsya, unang beses na makihalubilo sa mga taong nagmula sa iba’t ibang lugar sa Mindanao, at marami pang iba. Ang determinasyong makatulong na maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya ang nagtulak sa kanya upang makumpleto ang pagsasanay.

Matapos ang isang buwan, naging isang ganap na VillageBased AI Technician (VBAIT) si Rey John. Sinimulan niya ang pag-AI sa mga kalabaw ng mga miyembro ng kanilang asosasyon, ang Canahay Dairy Farmers Association o CADAFA. Layunin niya na matulungang maparami pa ang kanilang mga kalabaw para mas dumami pa ang kanilang gagatasan.

“Hindi ako naniningil sa kanila dahil alam ko na wala rin silang maibibigay. Bukal sa puso ko na magserbisyo sa kanila kasi alam ko ang hirap ng buhay. Bumagyo man o umaraw, matuyuan man ng gasolina ang motor na gamit ko, pupuntahan ko sila basta’t may naglalanding kalabaw,” ani Rey John.

Batay sa datos ng DA-PCC sa USM, mayroon nang naitalang 283 serbisyong AI si Rey John simula noong 2020. Dahil sa naipamalas niyang dedikasyon at kontribusyon sa Carabao Upgrading Program ng DA-PCC, napili syang sumailalim sa Advanced Training on AI and Ovarian Palpation noong 2022 sa Bukidnon.

Dahil sa angking galing, nasungkit ni Rey John ang 2021 Outstanding VBAIT- 2nd Runner Up noong 8th National Carabao Conference sa Nueva Ecija.

“Halos maiyak ako noong natanggap ko ang award na iyon. Nakita ko na ang bunga ng aking pagsisikap sa larangan ng AI. Hindi ko akalain na kikilalanin ako bilang isa sa magagaling na AI technicians sa buong Pilipinas,” nagagalak na pagkukwento ni Rey John.

Dahil sa kanyang determinasyon at malasakit sa mga magsasaka ng South Cotabato, si Rey John ngayon ay isa nang kawani sa Municipal Agriculture Office sa bayan ng Surallah. Mula sa isang asosasyon, isang buong bayan na ngayon ang sineserbisyuhan ni Rey John.

Dahil sa patuloy na paglawak ng kanyang lugar na naaabot, dumaraming tagapagtangkilik ng kanyang serbisyo, at paghirang sa kanyang kakayahan, napatunayan ni Rey John na hindi hadlang ang kanyang edad para maabot ang kanyang mga pangarap.

Aniya, hindi sya magsasawang tumulong sa mga magsasaka at manghikayat ng mga kapwa niya kabataan na pumasok hindi lamang sa negosyong salig sa kalabaw kundi sa sektor ng agrikultura dahil sa larangang ito, sa bunga ng sipag at tiyaga, mga pangarap na gustong makamit ay posibleng masungkit!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *