#PBBMTulongPinansyal | Sa kanyang talumpati noong ng ika-10 ng Mayo, 2024 ay binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pagpapalaganap ng bagong pag-asa para sa bansa.
Saad niya, “Sama-sama po nating itaguyod ang bagong Pilipinas kung saan ang bawat Pilipino ay nakikilahok sa pagpapabuti ng kalagayan ng lahat ng bawat Pilipino rin.”
Kasabay ng nasabing talumpati ay ipinamahagi rin ni Pangulong Marcos ang kabuuang Php210 milyon na tulong pinansyal sa lokal na pamahalaan ng General Santos at sa mga panlalawigang pamahalaan ng Cotabato, Sarangani, South Cotabato at Sultan Kudarat.
Pinuri rin niya ang mga mahahalagang ambag ng General Santos City at South Cotabato sa seguridad sa pagkain at sektor ng agrikultura ng bansa.
Naglaan din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Php10,000 na tulong pinansyal sa mga magsasaka, mangingisda at kanilang pamilya sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program at Php5,000 naman mula sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance.
Dagdag pa, nagbigay din ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng mga livelihood toolkits sa 31 na mga benepisyaryo at allowances para sa mga iskolar habang may kabuuang 621 na bilang ng mga benepisyaryo naman ang nakatanggap ng cash payout mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Cetificate grants na nagkakahalaga ng Php940,000 naman ang ipinamigay ng Department of Trade and Industry (DTI) sa tatlong agricultural farm groups habang si House Speaker Martin Romualdez naman ay namahagi ng limang kilo ng bigas sa mga lokal na residente.
Sa kanyang pagtatapos, iginiit ni Pangulong Marcos ang pangangailangan ng suporta mula sa mamamayan upang maisakatuparan ang mga plano at programa ng pamahalaan. Aniya, “Ang hiling ko lamang ay suportahan din ninyo ang pamahalaan upang maisakatuparan natin ang ating mga plano at programa.”